Sabado, Setyembre 21, 2019

SAMAHAN MO AKO PANGINOON

(Halaw sa Panalangin ni Padre Pio pagkatapos magkomunyon.)

Dahil kinakailangan Kita dito sa aking tabi, samahan Mo ako, Panginoon.
Nang sa gayo’y di Kita malimutan, samahan Mo ako, Panginoon.
Alam Mo kung gaano kadali sa aking Ika’y talikuran, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil ako’y mahina at kailangan ko ang Iyong lakas, samahan Mo ako, Panginoon.
Nang sa gayo’y hindi ako malimit madapa, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil Ikaw ang aking buhay, samahan Mo ako, Panginoon.
Sigla ko’y mawawala kung malayo Ka sa akin, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat Ikaw ang aking kaliwanagan, samahan Mo ako, Panginoon.
Nang sa gayo’y hindi ako mabalot ng kadiliman, samahan Mo ako, Panginoon.
Para mawatas ko ang Iyong kalooban, samahan Mo ako, Panginoon.
Nang marinig ko ang Iyong tinig at ako’y makasunod sa Iyo, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil hangad kong ibigin Ka nang lubos at sa tuwina’y laging kasama, samahan Mo ako, Panginoon.
Kung ibig Mong maging tapat ako sa Iyo, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat aba man ang aking kaluluwa, ibig ko pa rin itong kalugdan Mo at maging pugad ng Iyong pag-ibig, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat magtatakipsilim na at ang araw ay magwawakas na, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat maging ang buhay ay lumilipas, samahan Mo ako, Panginoon.
Sandali na lamang ang kamatayan at paghuhukom; at heto na ang magpakailanman, samahan Mo ako, Panginoon.
Kailangan kong panauliin ang aking lakas, nang ako’y hindi maantala sa paglalakbay, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil kailangan Kita. Sapagkat heto na at palapit na ang kamatayan, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil natatakot ako sa kadiliman, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil natatakot ako sa panunukso, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil natatakot ako sa kahungkagan, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil natatakot ako sa Krus at sa hapis, samahan Mo ako, Panginoon.
Aking Hesus, sa gabing ito ng aking buhay, samahan Mo ako, Panginoon.
Ngayong gabi ay mapanganib. Kailangan Kita, O Hesus, samahan Mo ako, Panginoon.
Tulungan Mo akong makilala Ka tulad ng Iyong mga alagad noong paghati-hatiin mo ang tinapay, samahan Mo ako, Panginoon.
Nang sa gayon ang pakikinabang ko sa Iyo ang magbigay ng liwanag na papawi ng kadiliman, samahan Mo ako, Panginoon.
Hesus, Ikaw ang lakas na magbibigay sa akin ng sigla’t ligaya sa aking puso, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat sa sandali ng aking kamatayan ibig kong manatiling kaisa Mo kung di man sa Banal na Komunyon ay sa Iyong biyaya at pag-ibig, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil hindi ko hangad ang makalangit na kaaliwan, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil batid kong ako’y di nararapat, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil ang Iyong presensya ay sapat na, samahan Mo ako, Panginoon.
Oo, tunay na ito lamang ang aking hiling sa Iyo, samahan Mo ako, Panginoon.
Sapagkat Ikaw lamang ang aking hanap, ang Iyong pag-ibig, biyaya, kalooban, puso at diwa, samahan Mo ako, Panginoon.
Dahil Ikaw ay aking iniibig at wala na akong gantimpalang hangad bagkus ang ibigin Ka nang higit, samahan Mo ako, Panginoon.
Sa pamamagitan ng matimyas na pag ibig Ika’y aking iibigin nang buong puso habang nabubuhay rito sa lupa at patuloy pa ring iibigin nang ganap magpasawalang-hanggan. Amen.